Nasa custody na ng National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR) ang apat na inmates ng New Bilibid Prisons na sinasabing may kinalaman sa pagpatay kay Jun Villamor, ang middleman sa Percy Lapid killing.
Inilipat ang apat sa NBI-NCR Detention Center para mabigyan ng mas mahigpit na seguridad.
Bago sila dinala sa Detention Center, kinunan muna sila ng statement na maaaring magamit laban sa maaaring nag-utos sa kanila para ipapatay si Villamor.
Hindi inaalis ni Justice Sec. Crispin Remulla na posibleng sinadya ang pagpatay kay Villamor noong October 18.
Pero ito aniya ay malalaman pa sa resulta ng ikalawang autopsy sa labi ni Villamor.
Mananatili sa NBI Detention Center ang apat na inmates hangga’t hindi nareresolba ang kaso.
Tumanggi naman ang NBI na pangalanan ang 4 na inmates para na rin sa seguridad ng mga ito at ng kanilang pamilya.