Mabilis na inaprubahan ng House Committee on Constitutional Amendments ang resolusyong Amyendahan ang 1987 Constitution.
Ayon kay Committee Chairperson, Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez, tapos na ang konsultasyon sa iba’t-ibang sektor.
Apat na major amendments ang inaprubahan.
Una na rito ay pag-amyenda sa Economic Provision partikular ang pagtanggal sa restriction sa Foreign Ownership at Investments.
Ikalawa, magiging Tandem Voting Naman ang Presidential Elections kung saan presidente ang iboboto at kung sino ang kanyang runningmate ay mauupong Bise Presidente.
Layunin nitong maiwasan ang hindi pagkakaunawaan o pagkakasundo ng dalawang mataas na lider sa bansa.
Ikatlo, magiging 27 na ang mauupong Senador dahil bawat rehiyon ay kailangang magluklok ng tig-tatlo sa Senado.
Magiging limang taon naman ang termino ng mga Senador at pwede silang tumakbo at magsilbi muli ng hanggang tatlong termino.
Pang-apat, papahabain ng limang taon ang termino ng iba pang opisyal kabilang na ang mga Kongresista.
Hindi isinama sa resolusyon ang Federalism dahil marami ang tutol dito.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, handang harangin ng makabayan bloc ang pagpasa sa resolusyon.
Isasalang na sa plenaryo ang resolusyon sa susunod na Linggo bago ang Christmas Break ng Kongreso.