
Apat na dayuhan ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Nueva Ecija at Iloilo.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado unang naaresto ang isang South African national na si Faaiz Ameer Garnie sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Nahuli umano itong nagtatrabaho sa isang kumpanyang hindi nakalagay bilang employer na labag sa kondisyon ng kanyang 9G working visa.
Nabigo rin itong makapagpakita ng passport at immigration documents dahilan para arestuhin at dalhin sa Immigration para sa booking at dokumentasyon.
Kasama ring naaresto ang isang Pakistani national na si Imran Khattak na nagtatrabaho nang walang valid working visa.
Habang dalawang Chinese national naman ang inaresto sa Iloilo dahil sa overstaying at paglabag sa kanilang visa conditions.
Kinilala ang mga ito na sina Wang Jiabai, na kilala rin bilang Kevin Wang, at Wang Libi na paso na ang visa at walang maipakitang valid na dokumento.
Naka-detain na ang mga ito sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceedings.
Ayon kay Viado, ang mga dayuhang naninirahan at nagtatrabaho sa Pilipinas ay dapat sumunod sa mga kondisyon ng kanilang visa, at ang sinumang lalabag ay aarestuhin at pauuwiin sa kanilang bansa.










