Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang apat na dinukot na Chinese habang naaresto ang 11 suspek sa isinagawang sunod-sunod na rescue operation sa Quezon City at Pampanga.
Sa ulat na ipinadala ni PNP-AKG Chief Police Brigadier General Jonel Estomo kay PNP Chief General Debold Sinas, isang babaeng Chinese ang nagsumbong sa kanila nang nangyaring kidnapping.
Nagbigay ito ng impormasyon sa mga pulis at agad na umaksyon ang mga pulis at tumungo sa medical diagnostics clinic sa N.S. Amoranto Ave., Quezon City kagabi kung saan nandoon ang biktima para sa scheduled RT-PCR test na requirement sa airline travel.
Na-rescue ang babaeng Chinese na ito mula sa tatlong suspek na kinilalang sina Liang Khai Chean, 28-anyos, isang Malaysian National; Mou Yun Peng, 35-anyos, isang Chinese; at Benjie Labor, 43-anyos, isang Filipino.
Matapos ma-rescue, inilahad pa ng biktima na marami pa siyang kasamahang kidnap victims na nakakulong sa isang safehouse sa Barangay Sta. Cruz, Mexico, Pampanga.
Kaya agad ikinasa ng PNP-AKG ang operasyon at na-rescue ang tatlo pang kidnap victim at naaresto ang walo pang suspek, ito ay dalawang Chinese at anim na mga Pinoy.