Kinumpirma ngayon ni Manila Cith Mayor Isko Moreno na apat na empleyado ng city hall ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko, nitong umaga lamang niya nalaman may apat na empleyado ang nagpositibo sa virus kaya’t dahil dito, pinagdodoble ingat niya ang lahat ng magtutungo sa iba’t ibang tanggapan ng kanilang city hall.
Aniya, gumagawa na ng paraan ang lokal na pamahalaan para mabigyan ng kaukulang tulong ang mga nagpositibong empleyado habang naisagawa na rin nila ang contact tracing kung saan nasa maayos namang kalagayan ang mga ito.
Hinihimok din ni Moreno ang mga may transaksyon sa ilang departamento sa city hall na gawin na lamang ang transaksyon via online upang masiguro na hindi mahawaan ng virus.
Tuloy-tuloy naman ang trabaho ng lokal na pamahalaan at muling iginiit ni Moreno na wala siyang planong itigil ang operasyon ng ibang departamento.
Kasabay naman ng Araw ng Kababaihan, muling panawagan ng alkalde sa mga magulang partikular sa mga ilaw ng tahanan na huwag pababayaan ang kanilang mga anak.
Nabatid na lumalabas sa pag-aaral ng ilang health experts sa lungsod ng Maynila na mas tumataas ang kaso ng hawaan sa loob ng tahanan kumpara sa ilang establisyimento at kumpaniya.
Kasunod naman ng kumalat sa social media hinggil sa umano’y lockdown sa ilang lugar sa Binondo kahit pa una na itong itinaggi ng Manila Police District, iginiit ni Moreno na hindi siya magdadalawang-isip na magdesisyon na gawin ang lockdown sa buong lungsod.
Ito’y kung magpapatuloy ang pagtaas ng ng kaso at malagay sa alanganin ang kalusugan ng bawat Manileño pero sa kasalukuyan, hindi muna niya ito gagawin dahil hindi pa naman ito inirerekomenda ng mga medical expert sa lungsod.