
Arestado ng awtoridad ang apat na high-value targets sa isang anti-illegal drug buy-bust operation na isinagawa noong February 8, 2026 sa bayan ng Sison, Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Sison Police Station sa mahigpit na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency – Region 1 (PDEA RO1).
Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na suspek, pawang mga residente ng Baguio City. Ang mga ito ay kinabibilangan ng isang 30 anyos na lalaki, 32 anyos na babaeng nagtatrabaho sa isang call center company, 28 anyos at 30 anyos na mga kalalakihang call center agent.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 9.36 gramo, na may Standard Drug Price (SDP) na nagkakahalaga ng ₱63,648.00.
Nasamsam din ang iba’t ibang drug paraphernalia, boodle money, marked money, at isang SUV na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na gawain.
Kasalukuyang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Muling iginiit ng Pangasinan PNP ang kanilang matibay na paninindigan na paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga at tuluyang buwagin ang mga drug network na naglalagay sa panganib sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ng lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










