Apat na kalsada nananatiling sarado; dalawang iba pa, mahirap pang daanan ayon sa DPWH

Inabiso ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na apat na pangunahing kalsada ang nananatiling sarado sa ngayon.

Dalawa rito ay sa Cordillera Administrative Region (CAR), isa sa Region 3 at Region 4B ang hindi pa rin madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan dahil sa gumuhong lupa, baradong daanan na paakyat ng tulay at ang mga nawasak na imburnal.

Sa ulat ng DPWH Bureau of Maintenance, ang mga saradong lansangan ay ang Baguio-Bontoc Road sa Busa Bridge, Sabangan, Mt. Province; Abra – Kalinga Road sa Gacab, Malibcong, Abra; Junction Layac Balanga Mariveles Port Road sa Bataan; at ang Mindoro West Coastal Road sa Pag-asa Section, sa Sablayan, Occidental Mindoro.


Binabaha pa rin at hindi madaanan ng mga maliliit na sasakyan ang dalawang kalsada sa Pampanga; ito ay ang Apalit Macabebe Masantol Road sa Calsada Bayu, Sta. Lucia Matua at Sto Tomas – Minalin Road.

Sa ngayon, inihayag ng DPWH na bukas na ang 22 pangunahing kalsada na dating sarado bunsod ng pag-ulan kung saan pito dito ay sa CAR at NCR, isa sa Region-1; lima sa Region 4A at dalawa sa Region 4B.

Facebook Comments