Apat na Koreano na wanted sa South Korea, dahil sa kidnap for ransom at pag-iingat ng matataas na armas, arestado ng NBI

Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI-SAU) at BI-Fugitive Search Unit ang apat na Koreanong sangkot sa kidnap for ransom at pag-iingat ng mga matataas na kalibre ng armas sa Senta Tower, Legazpi Village, Makati City.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor ang mga Koreano na sina Chang Joo Cho, Dawon Beom , Changwoo Hong at si Park Jop Hwan.

Ayon kay Distor, nag-ugat ang operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon ang NBI-SAU tungkol sa pagkakasangkot di umano ng mga ito sa kidnap for ransom na nag-ooperate sa Manila at Makati City.


Ang naturang sindikato umano ay nag-iingat din ng mga matataas na kalibre mg baril na walang kaukulang lisensiya na kanilang ginagamit sa iligal na aktibidad.

Agad na nakipag-ugnayan ang NBI-SAU sa Bureau of Immigration (BI) at naberipika na sina Chang Joo Cho, Dawon Beom at Changwoo Hong ay wanted sa South Korea sa kasong paglabag sa Article 26 of the Korean National Sports Promotion Act na may maximum penalties na hanggang 7 taong pagkakakulong habang si Park Joo Hwan ay may derogatory record na umano’y kidnap for ransom activities.

Facebook Comments