
Inisa-isa ni Senator Panfilo Lacson ang mga guni-guning flood control projects sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon na matatagpuan sa Pampanga, La Union, Oriental Mindoro at Bulacan.
Sa privilege speech ni Lacson, ipinakita niya ang “pie-sharing” o kung paano kinakatay ang pondo para sa flood control projects kung saan sa ibinabawas na mga lagay, komisyon, standard operating procedures (SOPs) at ano pang mga tapyas ay maswerte na kung may matitirang 40 para sa pagpapatayo ng proyekto.
Tinukoy ng mambabatas ang mga sumusunod na lugar na may mga ghost projects;
-Ang Riverbank Mitigation Project sa Candating, Arayat, Pampanga na mula 2018 pinondohan ng 20 million at sa taong 2024 ay dalawang beses pa nabigyan ng pondo na P91.8 million sa phase 1 at P91.4 million sa phase 2.
-Bauang river basin sa La Union na umabot ng P967 million ang pondo noong 2024
-Congressional flood control projects sa Barangay Burbuli, Baco, Oriental Mindoro; gayundin ang mga flood control project sa walong iba pang barangay sa Naujan, Oriental Mindoro na milyon at bilyong piso rin ang halaga
-At anim na mga barangay sa lalawigan ng Malolos at Hagonoy Bulacan na karamihan sa mga “distinct” na proyekto ay nakopo ng contractor na Wawao Builders na kasama sa 15 contractors na pinangalanan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ipinakita din ni Lacson sa kanyang presentasyon ang Facebook post ng isang kongresista na si 1st District Oriental Mindoro Cong. Arnan Panaligan na mayroong AGILA flood control project sa Naujan na aabot sa P3.7 billion at sa Baco na aabot sa P807 million pesos kung saan completed project ito mula June 30, 2022 hanggang December 31, 2023.
Subalit nang papuntahan ito ng senador sa kanyang mga staff, hindi tapos at substandard ang mga ginamit na materyales sa proyekto sa kabila ng bilyones na pondong inilaan dito.
Samantala, sa susunod na mga linggo ay asahan na rin ang mga ibubunyag na ghost flood control projects sa Bicol, Davao Peninsula, Western Visayas at Central Mindanao.









