Apat na lugar sa bansa, itinuturing na ‘high-risk’ sa COVID-19

Nakitaan ng OCTA Research group ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang apat na Local Government Units (LGUs) na itinuturing na “high risk” sa COVID-19.

Batay sa pag-aaral ng grupo, nakita ang mataas na kaso sa Makati City, Mankayan at Baguio City sa Benguet at Davao City mula Disyembre 1 hanggang 7.

Tumaas din ang naitatalang kaso kada araw sa Quezon City, Manila, Pasig, Makati at Baguio City.


Ayon sa OCTA, posibleng magdulot ito ng hospital burden at maabot ang health care capacity sa mga susunod na linggo kung saan maaaring ma-overwhelm ang mga medical frontliners.

Naabot naman ng Mankayan ang 100 percent hospital occupancy nito habang ang Makati City ay mayroong 80 percent na mataas sa 70 percent threshold ng Department of Health (DOH).

Tumaas din sa 84 percent ang hospital occupancy ng Muntinlupa City, San Pablo sa Laguna at La Trinidad, Benguet.

Bagama’t mababa ang naitatalang kaso kada araw, tumataas naman ang bilang nito sa Benguet, Isabela, Bataan, Ilocos Norte, Pangasinan, Cagayan at Leyte.

Giit pa ng OCTA, isa rin sa dahilan ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan at Isabela ay dahil sa mga siksikang evacuation center matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.

Sa kabila nito, nananatili naman aniya sa mababa sa isa ang reproduction number ng virus sa bansa.

Facebook Comments