Apat na lugar sa bansa na ginawang EDCA sites, inanunsyo na nang Malacañang

Inihayag na ng Malacañang ang apat na lugar sa bansa na ginawang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, apat ang nadagdag na EDCA sites sa bansa.

Ito aniya ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan.


Sinabi ni Garafil na napili ang apat na lugar na ito matapos ang ginawang inspection at assessment ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Paliwanag ng kalihim, ang pagkakaroon ng dagdag na EDCA sites sa bansa ay magpapalakas sa disaster response ng bansa.

Ito ay dahil magagamit ang mga lokasyong ito para sa humanitarian and relief operations at sa panahon ng emergencies at natural disasters.

Samantala, una nang inihayag ni Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong na ang EDCA sites ay hindi ikinukonsiderang American military bases.

Ang mga sites aniya ay gagamitin lang imbakan at pasilidad sa bodega para sa military logistics.

Una nang pinayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang tropa ng sundalong Amerikano na maka-access sa apat pang kampo ng militar bukod pa sa limang kasalukuyang lokasyon sa ilalim ng EDCA.

Ngayong Abril ay may nakatakdang malaking bilateral military exercise ang mga sundalong amerikano at Pilipino sa bansa.

Facebook Comments