Apat na magulang ng mga batang Lumad na na-rescue sa Cebu, dinukot ng mga nagpanggap na pulis

Dinukot umano ng mga rebelde na nagpanggap na mga pulis, ang apat na magulang ng mga na-rescue na batang Lumad at sinasanay ng New People’s Army bilang mga child warriors sa Cebu.

Sinabi ni Philippine National Police Chief PGen. Debold Sinas ang apat na magulang ay kasama dapat sa 8 magulang na susunduin ng PNP sa Sitio Kamingawan, Talaingod, Davao del Norte upang dalhin sa kanilang mga anak sa Cebu, ngunit una na ngang nakuha ang mga ito ng mga kaalyado ng NPA na nagpanggap na pulis.

Sinisikap ngayon ng mga pulis at social welfare officers sa Davao na makuha ang mga affidavit ng lahat ng mga magulang ng mga bata, bilang patunay na dinala ng NPA sa Cebu ang kanilang mga anak ng walang permiso.


Matatandaang sinabi ng Police Regional Office 11 na 13 ang nailigtas na batang Lumad kasama ang 6 na mga magulang at tribal leaders ay nakauwi na sa Talaingod, Davao del Norte nang nakaraang linggo.

Ang mga bata ay kabilang sa 19 na menor de edad na naligtas ng PNP, AFP at Department of Social Welfare and Development mula sa kanilang mga umano’y NPA handlers sa University of San Carlos Retreat House sa Balamban, Cebu City nang nakaraang linggo.

Facebook Comments