Apat na maliliit na phreatomagmatic eruptions, naitala sa Bulkang Taal

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng apat na maliliit na phreatomagmatic eruption sa Bulkang Taal kaninang umaga.

Ang una ang naitala kaninang alas 5:18 ng umaga kung saan nagbuga ang bulkan ng grayish plume na umabot sa 300 metro ang taas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum, naulit ito kaninang alas-8:47, alas-9:15 at alas-9:26 ng umaga.


“Ang pinakamatagal d’yan ay pitong minuto at ang pinakamataas [usok] ay 700 meters. ‘Yung ganito pong mga pagsabog ay posibleng patuloy na mangyari, baka mas malakas pa d’yan kaya pinag-iingat natin ang ating mga kababayan,” ani Solidum.

“Mataas pa kasi ang pagbuga ng sulfur dioxide gas at ‘yon po minsan ang nagpapalakas ng pagsabog, at ang pagganti ng mainit na magma sa main crater kaya i-maintain po natin ang Alert Level 3 sa Taal Volcano.”

Sa ngayon, wala pang naitatalang epekto sa mga komunidad na malapit sa bulkan ang sunod-sunod na phreatomagmatic eruption.

Una nang sinabi ng PHIVOLCS na inaasahan nilang magkakaroon pa ng phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano na kagaya ng nangyaring pagsabog noong July 1.

Facebook Comments