Dinala na sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center ang apat na mga inarestong suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa noong Sabado.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, mula Negros Oriental, inilipat ang apat na mga suspek sa custodial center kagabi.
Aniya, mas makabubuti kung nasa kanilang kustodiya ang mga suspek na kinilalang sina Joven Aber, Benjie Rodriguez, Joric Labrador at Osmundo Rivero na pawang mga ex-army na na-dismiss sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at nag-Absence Without Official Leave (AWOL).
Paliwanag ni Fajardo, nasa PNP Custodial Center ang mga suspek upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito lalo pa’t unti-unti nang kumakanta ang mga suspek na siyang susi upang matukoy ang mastermind sa krimen.
Nakapag-execute na rin ang dalawa mula sa apat na inarestong suspek ng kanilang extra judicial affidavit at sakaling pumasa ang mga ito sa assessment ng DOJ ay maaari silang maging testigo at makapasok sa witness protection program ng pamahalaan.
Matatandaang noong Sabado, niratrat ng hindi bababa sa 10 katao na naka-full battle gear at armado ng high-powered firearms ang bahay ni Degamo kung saan abala ito noon sa pag-aasikaso ng mga benepisyaryo ng 4Ps.