Apat na panukalang batas na para sa kapakanan ng mga manggagawa, lusot na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang apat na panukalang batas na para sa kapakanan ng mga mangagawa na inendorso ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal Representative Fidel Nograles.

Kabilang dito ang House Bill 988 o Increasing the Service Incentive Leave of Workers Act at ang House Bill 924 o Barangay Skilled Workers Act.

Kasama rin dito ang House Bill 227 o Caregivers Welfare Act, at House Bill 454 o Media Workers Welfare Act.


Umaasa naman si Nograles na aaprubahan ng Senado ang nasabing mga panukala upang tuluyang maisabatas at agad na maipatupad sa layuning maprotektahan at mas mapahusay pa ang sektor ng mga mangagawa.

Binanggit ni Nograles na bukod dito ay mayroon pang dalawang labor bills na nakabinbin sa Kamara na nasa ikalawang pagbasa.

Ito ay ang House Bill 477 na nag-aamyenda sa Batas Kasambahay at ang House Bill 4479, na nagpapalawak sa mga aksyon o gawain na nagpapakita diskriminasyon laban sa mga kababaihan sa workplaces.

Tiniyak ni Nograles na ang pinamumunuan niyang Committee on Labor ay patuloy na tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa sa layuning makalikha ng mas marami at maayos na mga trabaho na magpapalakas sa ating labor market.

Facebook Comments