Cauayan City, Isabela – Arestado ang apat na rice millers sa Reina Mercedes matapos na masabat ng kapulisan sa National Highway ng Cauayan City ang kanilang sinasakyang traysikel na may lulang bigas at pato na papuntang Angadanan, Isabela kahapon.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay PNP Cauayan City Chief Admin na si Police Chief Inspector Jane Abigail Bautista, aniya habang nagsasagawa ng checkpoint ang PNP Cauayan sa National Highway ay pinahinto ang traysikel na sinasakyan ng mga suspek dahil sa tatlong sako ng bigas, dalawang pato at ang kakaibang ikinilos ng apat na kalalakihan.
Batay umano sa isinagawang inspeksyon ay walang naipakitang dokumento ang mismong drayber ng traysikel na si Jonel Morillo at umanoy pag-aari ng isang nagngangalang Michael Hoton ang tatlong sako ng bigas at pato ng Reina Mercedes.
Sinabi pa ni Police Chief Inspector Bautista na kasama ni Morillo sa traysikel sina Joseph Estabillo, tatlumpu’t apat na taong gulang; Arman Alberto, dalawampu’t limang taong gulang; at Rodello Gaffud, tatlumpu’t walong taong gulang, pawang may mga asawa, rice miller ng Reina Mercedes at mga residente ng Barangay Calabayan, Minanga, Angadanan, Isabela.
Iginiit pa ni PCI Bautista na naipasakamay na sa PNP Reina Mercedes ang apat na rice miller maging ang mga nakumpiskang bigas at pato para sa kaukulang disposisyon.