Apat na Sugatang Sundalo, Ginawaran ng Medalya

Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Apat na sundalo ng 5th Infantry Division ang ginawaran ng medalya ng sugatang magiting na kawal (wounded personnel medal) sa isinagawang programa sa Camp Memchor F Dela Cruz Station Hospital alas diyes ng umaga, Hulyo 6, 2017.

Mismong ang Punong Heneral ng 5ID at ng Joint Task Force TALA, na si MGen Paul Talay Atal, D.P.A, AFP ang siyang nag gawad ng mga medalya na may kasamang grocery at 5,000 pisong pera bilang financial assistance buhat sa Star Fund (Star Trooper Active Relief Fund).

Ang apat na sundalo na nasugatan sa digmaan at nagpamalas ng kanilang katapangan ay sina Sergeant Joselito P Felipe, tubong Isabela; Private First Class John Cris M Dangatag, tubong Kalinga; PFC Richard A Panga-or, tubong Mt Province at Private Henry B Camatcho ng Isabela.


Napag alaman ng DWKD 98.5 RMN News Team na pinuri at kinilala ni MGen Atal ang katapangan na ipinamalas ng apat, kasama na ang mga elemento ng mga kasundaluhang kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng operasyon laban sa mga rebeldeng komunista dito sa Hilagang Luzon.

Kung matatandaan, noong Hulyo 4, 2017 ay nakasagupa ng 50th Infantry Battalion ang hindi bababa sa 20 na kasapi ng Komunistang-Teroristang-NPA sa Brgy Balatoc, Pasil, Kalinga na ikinasugat ng apat, samantalang hindi pa tukoy ang sugatan sa panig ng mga rebelde.

Sa kabilang banda, ilang oras bago pa ang nasabing enkwentro, isang labanan din ang nangyari sa Brgy Wagud, Pinukpuk, Kalinga kung saan ang panig ng 50IB ay nakarekober ng isang Cal.30 US Carbine, dalawang magasin, at apat na ipinagbabawal na homemade landmines pagkatapos na umatras ang mga komunistang terorista nang matantong di nila kaya ang mga elemento ng 50IB.

Patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng mga kasundaluhan upang tugisin ang mga nagsipagtakbuhang kasapi ng NPA.

Facebook Comments