Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command Spokesperson Lieutenant General Cirilito Sobejana na mga sundalo ang napatay ng mga pulis sa checkpoint operation sa Sitio Marina, Barangay Walled City, Jolo, Sulu.
Ayon sa opisyal, ang mga sundalong ito ay may hiwalay na operasyon sa lugar batay sa ulat sa kanya ng 11th Infantry Division ng Philippine Army.
Hanggang sa ngayon aniya ay malabo pa ang mga report na nakakarating sa kanya kung bakit humantong sa sagupaan ng pulis at sundalo ang insidente na ikinasawi ng apat na sundalo na kinabibilangan ng isang major, isang captain at dalawang sarhento.
Sa ngayon, hiniling na ni Sobejana sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang insidente.
Batay naman sa ulat ni Philippine National Police-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PNP-BARMM) Spokesperson Police Major Jemar Delos Santos, napansin ng mga pulis ang isang kulay gray na SUV montero na sakay ang apat na armadong lalaki.
Nilapitan ng mga pulis ang mga nagpakilalang mga miyembro ng AFP na kanilang pinaderetso sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon.
Pero sa halip na tumungo sa Jolo Police Station, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Martirez, Barangay San Raymundo kaya nagkaroon ng sagupaan na nauwi sa pagkamatay ng mga sundalo.