
Naaresto ng Taguig City Police Station ang apat na suspek sa magkahiwalay na operasyon na konektado sa serye ng nakawan sa convenience store at pamamaril sa Brgy. Wawa at New Lower Bicutan, Taguig.
Dalawa sa mga naaresto, kinilala sa alyas na “Axel Ray” at “Bogie”, ay pumasok sa isang store, tinutukan ang cashier, at kinuha ang ₱11,000 mula sa cash register kasama ang ilang tsokolate. Narekober sa kanila ang 9mm pistol, isang magazine, at 8 bala.
Natukoy na rin ang dalawa pang suspek, sina “Jeff” at “Emong”, na konektado sa iba pang convenience store robberies sa lungsod.
Samantala, sina “Bogz” at “Hendrich” ay naaresto kaugnay sa pamamaril sa Pio Felipe Street, Brgy. New Lower Bicutan noong Marso 13, kung saan narekober ang .45 caliber pistol, magazine, at ilang bala.
Ayon kay Police Colonel Julius Añonuevo, ang mga operasyon ay resulta ng masusing imbestigasyon at koordinasyon ng pulisya. Pinuri naman ni Mayor Lani Cayetano ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.
Sa ngayon, nahaharap na sa kaukulang kaso ang mga suspek habang nagpapatuloy ang paghahanap sa iba pang sangkot sa insidente.










