APAT NA TAO, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON SA PANGASINAN AT BAGUIO CITY

Apat na indibidwal ang naaresto ng kapulisan sa magkakahiwalay na operasyon sa mga bayan ng Manaoag, Calasiao, Alaminos City, at maging sa Baguio City. Ang mga suspek ay nahuli sa bisa ng kani-kanilang Warrant of Arrest (WOA) para sa iba’t ibang paglabag sa batas.

Unang naaresto ng Manaoag Municipal Police Station (MPS) ang isang 36 anyos na babae, isang call center agent, at residente ng Manaoag, Pangasinan. Inaresto ito sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa Bouncing Checks Lawna may inirekomendang piyansang 6,000 pesos. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na siya ng Manaoag MPS.

Inaresto rin ng Calasiao MPS ang isang 47 anyos na lalaki, at residente ng Calasiao, Pangasinan dahil sa Grave Oral Defamation, na may inirekomendang piyansang 36,000 pesos.

Habang isang 32 anyos na lalaki mula sa Alaminos City, Pangasinan ang inaresto ng pulisya dahil sa paglabag sa Mandaluyong City Ordinance No. 944 o ang Comprehensive Smoke-Free and Vape-Free Ordinance, na may kaukulang piyansang 2,000 pesos.

Sa parehong araw, nadakip naman ang isang 34 anyos na construction worker, may asawa, at residente ng Villasis, Pangasinan. Siya ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa Qualified Theft, na may inirekomendang piyansang 30,000 pesos.

Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, patuloy ang kanilang operasyon laban sa mga taong may kinakaharap na kaso upang masiguro ang pagpapatupad ng batas at kapayapaan sa lalawigan.

Facebook Comments