
Nagdulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko ang karambola ng apat na sasakyan sa northbound lane ng Osmeña Highway sa San Andres, Maynila.
Kinabibilangan ito ng dalawang 8-wheeler truck, isang suv, at trailer truck na may kargang backhoe.
Nangyari ang insidente pasado alas-4:00 ng madaling araw kung saan mabagal ang takbo ng dalawang truck na pinapagitnaan ang SUV ng biglang banggain sila ng trailer truck na may plate number na CDK-4821.
Base sa paunang imbestigasyon, nakaidlip ang driver ng trailer truck kung kaya’t nasalpok nito ang hulihang bahagi ng truck saka nabangga ang SUV kaya’t naipit na ito sa isa pang truck.
Nagtamo naman ng gasgas sa noo ang sakay ng SUV habang hindi naman naapektuhan ang ibang pasahero na may karga pang bata kung saan hindi na ito nagpadala pa sa ospital.
Sa ngayon, inaabangan na lamang ang mga tow truck na hahatak sa mga naturang sasakyan habang patuloy ang ikinakasang imbestigasyon.









