
Aabot sa apat na indibidwal ang naitalang sugatan matapos sumalpok ang isang motorsiklo sa isang ambulansiya sa Maynila.
Nangyari ang insidente mag-aalas-5:00 ng umaga sa mismong stoplight ng UN Avenue at San Marcelino Street.
Sinasabing mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya bumangga ito sa kaliwang bahagi ng ambulansiya.
Duguan ang ulo at may sugat sa tuhod ang angkas ng motorsiklo na isang babae, habang ang driver na lalaki ay sugatan sa iba pang bahagi ng katawan at iniinda ang kanang binti.
Ayon naman sa driver ng ambulansiya na nakilalang si Billy, nagkaroon din ng sugat ang dalawa sa apat na sakay nito dahil sa bubog mula sa basag na salamin ng sasakyan.
Aniya, galing at kahahatid lamang niya ng isang pasyente sa Philippine General Hospital (PGH), kung saan maghahatid pa sana siya ng dalawang pasyente sa Quezon City nang maganap ang insidente.










