
Umarangkada na ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Gyeongju, South Korea, na dinaluhan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pagdating ng Pangulo sa Hwabaek International Convention Center, sinalubong siya ni South Korean President Lee Myung Jae, na host ng summit ngayong taon.
Sa pagbubukas ng pulong, sinabi ni President Lee na mahalaga ang pagkakaisa at bukas na talakayan upang mapalakas pa ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Giit niya, kahit may mga pagkakataong magkaiba ng pananaw ang mga bansa, dapat manatiling iisa ang layunin —ang patuloy na pag-unlad ng rehiyon.
Binanggit din ni President Lee na napapanahon ang pagpupulong ng APEC leaders ngayong humaharap ang mundo sa mga hamon ng malayang kalakalan, pabagu-bagong ekonomiya, at mga isyung nakaaapekto sa global trade at investment.
Isa sa mga pinakamalaking pagbabagong binigyang-diin niya ay ang mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, lalo na sa paggamit ng artificial intelligence (AI), na aniya’y parehong hamon at oportunidad para sa lahat ng bansa.
Dahil dito, nanawagan si President Lee sa mga APEC leaders na maging bukas sa pagpapahayag ng kanilang mga posisyon at magtulungan upang makabuo ng iisang tinig tungo sa mas matatag at maunlad na Asia-Pacific region.









