*Cauayan City, Isabela*-Inaasahang matatanggap ng nasa 3,962 na kwalipikadong magsasaka sa Lungsod ng Cauayan ang tulong mula sa Department of Agriculture bilang ayuda sa mga naapektuhan ng pagbaba ng presyo ng palay dahil sa Rice Tarrification Law.
Ayon kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, tatanggapin ng mga magsasaka ang tulong pinansyal na P5,000 ng mga nakaranas ng pagbaba ng presyo matapos isabatas ang Tarrification Law.
Paliwanag pa ng opisyal na dumaan sa validation ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Lambak ng Cagayan ang lahat ng napabilang sa mabibigyan ng ayuda.
Sa kabilang banda, ipinag-utos din ni Alonzo ang pagpapanatili ng kaayusan sa pagkuha ng mga nasabing tulong sa mga remittance center bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Ayon pa sa opisyal, sa 12 barangay bawat araw ay kinakailangan na limang (5) magsasaka lang ang papayagan na makakuha nito upang mapanatili pa rin ang social distancing at lalo na sa mga agarang nangangailangan nito.
Giit pa ng opisyal na nagsumite na rin sila ng dokumento para sa pagsasaayos ng second batch sa mga posibleng mabigyan ng ayuda subalit wala pa rin ang kumpirmasyon mula sa ahensya.
Samantala, hinihikayat naman nito ang iba pang mga magsasaka na nagnanais na magtanim ng hybrid rice habang sa mga gusto namang magtanim ng imbred rice ay kinakailangan lamang na magpalista sa mga kapitan ng barangay dahil libre na ipamimigay ang mga nasabing binhi sa mga ito.
Kaugnay nito, sa ilalim ng programang ALPAS o Ahon Lahat Pagkaing Sapat kontra COVID-19 ay may nakalaang 400 ektarya para sa pagbibigay ng libreng binhi.