“Tapos na ang panahon ng apela”.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng plano ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na iapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa kanila sa Enhanced Community Quarantine hanggang June 30, 2020 mula sa dating mas maluwag na General Community Quarantine.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Roque na binigyan ng pagkakataon ang mga lugar na isinailalim sa ECQ at Modified ECQ na umapela bago inirekomenda ng Inter-Agency Task Force sa pangulo ang paglalagay sa mga ito sa nasabing klasipikasyon.
Ayon kay Roque, mas magandang tutukan na lamang ng alkalde ang pagpapababa ng COVID-19 cases sa Cebu City lalo na’t napakataas ang kaso sa lungsod kung saan nasa 100 percent na ang kanilang critical care beds at 93 percent na ang capacity ng kanilang isolation facilities.
Giit ni Roque, mahalaga na mabantayan ang Cebu City dahil kung hindi ay posibleng kumalat pa ang COVID-19 lalo’t nagsisilbi itong gateway sa Visayas region maging sa Luzon.
Kaugnay nito, sinabihan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año si Mayor Labella na walang problema kung gusto niyang umapela pero, mas magandang gamitin niya ang pagkakataon na ito upang magsagawa ng lockdown, contact tracing at testing sa mga lugar na may mataas na kaso sa Cebu City.
Nabatid na personal na binisita ni National Task Force COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez ang Cebu City at nangakong dadagdagan ang critical care bed capacity kung kina-kailangan.
May ilalagay din na mga ventilators at medical health professional ang mga karatig probinsya ng Cebu.