Manila, Philippines – Ibinasura ng Department of Justice ang inihaing petition for review ni Gerardo “Ding” Santiago ang may-ari ng funeral home kung saan pansamantalang inilagak ang mga labi ng negosyanteng si Jee Ick Joo bago ito tuluyang i-cremate.
Sa resolusyon ni Justice Undersecretary Raymund Mecate, inihain ni Santiago ang kanyang petisyon 1 araw makalipas ang 15day period na itinatadhana ng 2000 National Prosecution Service Rules on Appeal.
Maliban dito nabigo din si Santiago na ilakip sa kanyang petisyon ang joint resolutions na inilabas ng DOJ Panel of prosecutors nuong April 6, 2017 at ang resolution ni Prosecutor General noong May 29, 2017.
Isa pa sa teknikalidad na nakita ng DOJ kung kaya’t ibinasura ang kanyang mosyon ay ang pagkabigo nitong magsumite ng kopya ng complaint-affidavit, counter-affidavits at iba pang ebidensya na isinumite nuong isinagawa ng Justice Department ang preliminary investigation.
Si Santiago ay nahaharap sa kasong accessory to the crime of kidnapping for ransom with homicide sa Angeles City Regional Trial Court Branch 58.
Sinasabing tumanggap si Santiago ng P30,000 mula sa prime suspek na si SPO3 Ricky Sta. Isabel.