Apela ni Health Sec. Ted Herbosa na suspendihin ang 5% contribution hike ng PhilHealth, pinag-aaralan ni Pangulong Marcos

Nakarating na sa Malacañang ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na suspendehin ang pagpapatupad ng pag-akyat sa 5% ng premium contribution ng mga miyembro ng PhilHealth ngayong taon.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, pinag-aaralan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang apela ni Health Secretary Teodoro Herbosa na suspendihin ang premium rate increase.

Matatandaang inirekomenda ni Herbosa ang suspensyon dahil may sapat na pondo naman daw ang PhilHealth para makapaghatid ng health benefits sa publiko.


Hindi rin naman siguro aniya makaaapekto sa paghahatid ng serbisyo ng PhilHealth kung maaantala ang pagpapatupad ng premium hike.

Samantala, sakali naman aniyang tumutol si Pangulong Marcos ay dapat ipatupad pa rin ang naantalang 4.5% premium hike noong 2023.

Ilalatag din ni Herbosa sa board meeting ng PhilHealth ngayong araw ang rekomendasyong suspensyon sa premium hike.

Facebook Comments