Manila, Philippines – Nasa kamay na ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang apela ni Ma. Isabel Lopez na muling makapagmaneho.
Ito ang nilinaw ng Land Transportation Office kasunod ng revocation order na inilabas ng ahensya na kumakansela sa driver’s license ni Lopez.
Ayon kay LTO – Law Enforcement Service Director Francis Almora, kung ang pinakahuling desisyon nila ang ipatutupad, matapos ang dalawang taon ay maari muling mag-apply ng driver’s license si Lopez pero balik ito sa unang hakbang sa pamamagitan ng pagkuha ng student permit.
Dito aniya kailangang patunayan ng beauty queen na karapat-dapat na ito na muling makapagmaneho.
Bukod sa 2 years cancellation ng kanyang driver’s license, pinatawan din ng multang walong libong piso si Lopez dahil sa sangkaterbang violation matapos nitong pasukin ang barikada ng ASEAN lane sa EDSA na para lamang sa mga delegado ng ASEAN Summit na ginanap sa bansa.