Apela ni Sen. Bong Go sa publiko: Matakot sa COVID-19, huwag sa bakuna

 

Pinaalalahanan ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na huwag katakutan ang COVID-19 vaccines.

Sa halip na matakot sa bakuna, sinabi ni Go na ang COVID-19 ang dapat na katakutan.

Apela ni Go sa mga mamamayan, magtiwala sa gobyerno sa ginagawa nitong hakbang para malabanan ang sakit.


“‘Wag kayong matakot sa bakuna, matakot kayo sa COVID-19. Ang COVID-19 po ang nakamamatay. Ang bakuna lang ang tanging solusyon. Magtiwala lang po tayo sa ating gobyerno at ginagawa naman ng gobyerno ang lahat,” pahayag ni Go sa Laging Handa Public Briefing.

Sa kabila ng mga pangamba tungkol sa bakuna, sinabi ni Go na tumataas na din ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Dumarami na rin kasi aniya ang mga indibidwal na nagpapahayag ng pagnanais na sila ay mabakunahan.

“Alam n’yo po, sa kakaikot ko sa buong bansa, sa mga nasunugan, nabahaan at iba pang sakuna, nakikita ko paunti-unti marami nang gustong magpabakuna. ‘Di tulad noon na less than 10% ang nagtataas ng kamay, ngayon papunta na sa kalahati ang gustong magpabakuna,” sinabi ni Go.

Kamakailan ayon kay Go dumating sa bansa ang isang milyong bakuna ng Sinovac na binili ng pamahalaan.

Ayon kay Go sa pagdating ng dagdag na mga bakuna ay mas mapapaigting pa ang national vaccination program ng gobyero.

“Malaki po ang maitutulong nito. Meron na tayong mahigit 1.5 million (na bakuna). Dahil sa additional one million doses, enough na to cover around 1.26 million frontliners na prayoridad natin sa pagbabakuna,” ayon pa sa senador.

Batay sa priority process ng gobyerno, unang binabakunahan ang mga frontliner, sunod ang senior citizens.

Umapela din si Go sa local government units na sundin ang vaccine priority list at itigil ang pagkakaroon ng VIP vaccinations.

“Nakikiusap ako sa mga kababayan natin, ‘wag tayo magpa-VIP. Unahin natin ang frontliners. Kulang pa ang bakunang dumarating, cooperate tayo, sundin ang priority list,” paalala ni Go.

Sa pagtatapos ng panayam, muling ipinaalala ni Go sa publiko ang pagsunod sa health protocols.

“Sumunod lang po tayo sa paalala ng gobyerno, mask, face shield, social distancing, hugas ng kamay. ‘Yan naman po ang makaka-prevent sa pagkakalat nitong sakit na ito. Sumunod lang tayo sa gobyerno, magmalasakit tayo sa kapwa,” paalala ng senador.

Umapela din si Go sa gobyerno na bilisan ang pagpapatupad ng social amelioration sa mga mamamayan na naapektuhan ng muling pagpapatupad ng mahigpit na quarantine restrictions.

Marami aniya ang mga kababayang naghihintay at nahihirapan at nag-aabang na mapagkalooban sila ng ayuda.

#######

Facebook Comments