Hindi ngayon ang tamang panahon na magpatupad ng mga polisiyang babago sa linya ng public transport sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito ang iginiit ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kasunod ng planong “EDSA Carousel”.
Sa ilalim nito, hindi na kikilalanin ang bisa ng prangkisa ng mga bus na dumaraan sa EDSA dahil isang ruta na lamang ng bus ang babiyahe sa buong stretch ng naturang kalsada mula Monumento hanggang Taft Avenue sa Pasay City.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, bukod sa kalbaryong dulot nito sa mga commuters, lalo pang malalantad sa panganib ng COVID-19 ang mga pasahero dahil sa ilang beses na paglipat sa pagsakay bago makarating sa trabaho.
Maliban aniya sa katotohanang hindi rin maiibsan ang nararanasang trapik sa EDSA, malabo rin aniyang maserbisyuhan ang malaking bilang ng mga manggagawang araw-araw bumabiyahe dahil sa ipinatutupad na limited passengers capacity.
Paliwanag ni Atty. Inton na dating naupo bilang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), walang masama sa mga pagbabago pero dapat ay huwag kalimutan ang problema ngayon ng buong mundo at kung paano limitahan ang kilos ng publiko para maiwasan ang pagkalat ng virus.