Manila, Philippines – Suportado ni Senate President Tito Sotto III ang panawagan ni Senator Panfilo Ping Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang pork barrel na nakasiksik sa 2019 budget.
Paliwanag ni Sotto, nararapat lang gamitin ng pangulo ang line item veto power nito kung talagang maliwanag na pork barrel ang makikita nito sa pambansang budget.
Nilinaw din ni Sotto na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matukoy kung alin ang pork barrel dahil ang kaya lang nilang madetermina ay ang mga institutional ammendments.
Diin naman ni Senator Lacson, tadtad ng pork barrel ang 2019 budget na planong aprubahan ng bicameral conference committee bukas na nakatakda nilang ratipikahan.
Sa kabila nito ay umaasa si Lacson na bubusiin pa ring mabuti ni Pangulong Duterte at ng kanyang economic managers ang pinal na bersyon ng maipapasang 2019 budget.
Ayon kay Lacson, ito ay upang matukoy kung aling item sa budget ang pork barrel na nararapat i-veto ng Pangulo.