Aplikanteng nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, unang natulungan ng DZXL-Radyo Trabaho ngayong 2021

Nagpasalamat sa DZXL-Radyo Trabaho ang 21-anyos na si Romeo Glee ng Brgy. Dela Paz, Antipolo City matapos siyang matulungan na makahanap ng panibagong trabaho sa pagpasok ng taong 2021.

Kwento ni Romeo, isa siya sa nawalan ng trabaho noong nakaraang taon dahil sa pandemya kaya naging problema niya ang mga gastusin sa bahay lalo pa’t tinu-tulungan niya ang kanyang lolo at lola na nag-alaga sa kanya noong siya ay bata pa.

Dahil sa kagustuhang makatulong sa lolo at lola ay nagbakasali si Romeo at magtungo sa DZXL-Radyo Trabaho matapos na marinig sa kanyang mga kapitbahay.


Hindi naman ito nabigo dahil agad siyang tinulungan ng DZXL-Radyo Trabaho at binigyan ng referral sa Acabar Marketing International Inc., kung saan nabigyan siya ng trabaho bilang merchandiser sa isang kilalang supermarket.

Kasabay nito, nagbabakasali rin ngayon si romeo upang mahanap ang kanyang inang hindi nakita simula pa noong siya ay ipinanganak.

Umaasa si Glee na sa pamamagitan ng panibagong yugto sa kaniyang buhay ay mahanap na rin ang kanyang ina na itinuturing niyang magandang regalo sa pagsisimula ng Bagong Taon.

Facebook Comments