
CAUAYAN CITY – Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang muling pagbubukas ng aplikasyon para sa kanilang City Government Scholarship Program na nakalaan sa mga incoming first year students sa darating na School Year 2025–2026.
Upang makasali sa nasabing scholarship program, kailangang matugunan ng aplikante ang ilang mga pangunahing kwalipikasyon kabilang ang pagiging lehitimong residente ng Cauayan City, pagkakaroon ng mabuting asal o moral character, at ang pagkakaroon ng General Weighted Average (GWA) na hindi bababa sa 80% batay sa kanilang Form 138.
Bukod pa rito, kailangang sumailalim at makapasa sa Pre-Qualifying Entrance Examination ang mga aplikante. Ang petsa ng pagsusulit ay iaanunsyo sa mga susunod na araw, kaya pinapayuhan ang mga aplikante na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na social media pages ng pamahalaang lungsod para sa karagdagang impormasyon.
Hinihikayat din ang lahat ng interesadong aplikante na isumite ang kanilang aplikasyon online lamang, dahil hindi tatanggapin ang mga walk-in applicants. Binibigyang-diin ng pamahalaang lungsod ang kahalagahan ng maayos na proseso at pag-iingat, kaya ang buong aplikasyon ay idaraan sa digital na paraan upang masiguro ang maayos at sistematikong pagproseso ng mga dokumento.
Ang hakbanging ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lungsod na suportahan ang edukasyon ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikado at deserving na estudyante.









