
Pag-aaralan pa ng Philippine Ports Authority (PPA) ang hiling na itaas ang terminal fee sa Batangas Port.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, bagama’t nakikita na gumanda at naging moderno ang passenger terminal ng Batangas Port ay kailangan ding mabalanse ang halaga ng terminal fee sa kakayahan ng mga pasahero.
Ito ay upang masiguro na abot-kaya pa rin sa mga mananakay ang kanilang babayaran kapag gagamit ng naturang pantalan.
Sabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte, nasa P100 ang hinihiling ng Asian Terminals Inc. (ATI) na bagong halaga ng terminal fee mula sa kasalukuyang P30.
Aminado naman si Santiago na malaki ang ipinagbago ng terminal na ngayon ay may 8,000 seating capacity na at kumpleto na rin sa mga kailangan ng mga pasahero.
Batid din daw nila na kailangan makarekober ng ATI sa mga ginastos sa pagpapaganda ng pantalan.









