Cauayan City, Isabela- Pinapaalalahanan ang publiko na hanggang sa Oktubre 31, 2021 na lamang ang cut-off para sa mga mag-aapply ng BAYANIHAN CARES Program.
Lahat ng mga matatanggap na aplikasyon bago o sa mismong petsa ng cut-off ay aasikasuhin ng SBCorp ngayong taon.
Ipoproseso naman sa Enero 2022 ang mga aplikasyon ng pautang na matatanggap pagkatapos ng nasabing petsa.
Ito ay para bigyang daan ang pagproseso ng mga loan applications mula sa micro at small enterprises para sa 13th Month Pay Loan Facility, at loan applications mula sa food retailers (sari-sari stores), wholesalers, distributors at suppliers sa ilalim ng STAPLES Program, na nangangailangan ng karagdagang kapital para sa nalalapit na kapaskuhan.
Ang Small Business Corporation (SB Corp) ay kaakibat na ahensya ng Department of Trade and Industry na nagpapahiram ng pautang na walang interes, walang collateral, at may grace period hanggang isang taon para sa mga MSMEs.
Gayundin sa mga nagbabalik-bansang OFWs na labis naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng Bayanihan COVID-19 Assistance to Restart Enterprises or (CARES) program.