APLIKASYON PARA SA LIFELINE SUBSIDY DISCOUNT SA KURYENTE, BINUKSAN NA NG CENPELCO

Binuksan na ng Central Pangasinan Electric Cooperative Inc. (CENPELCO) ang aplikasyon para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng libreng bayarin sa kuryente sa ilalim ng Lifeline Subsidy Discount, alinsunod sa ipinalabas na Resolution No. 02, Series of 2026 ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Batay sa resolusyon, ipatutupad ang uniform national lifeline subsidy at rate para sa implementasyon ng Lifeline Program sa ilalim ng Section 73 ng Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001.

Maaaring mag-apply ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na pasok sa consumption threshold na itinakda ng ERC, gayundin ang mga marginalized end-users na nasa ilalim ng poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA), basta’t taglay nila ang mga kwalipikasyon at wala sa mga diskwalipikasyon na nakasaad sa batas.

Ang mga aprubadong benepisyaryo ay maaaring makatanggap ng 100% diskwento sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente, kung hindi lalampas sa 50 kWh ang kanilang konsumo kada buwan.

Hinihikayat naman ng tanggapan ang mga interesadong aplikante na bumisita sa alinmang tanggapan ng CENPELCO para sa karagdagang impormasyon at gabay sa proseso ng aplikasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments