Aplikasyon para sa mga bakanteng posisyon sa judiciary branch, magbubukas sa July 11

Binuksan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang aplikasyon at nominasyon para sa mga bakanteng pwesto sa Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, Overall Deputy Ombudsman at Legal Education Board.

Anim ang bakanteng posisyon sa CA na iniwan nina Justices Rodil Zalameda, Edgardo Delos Santos, Mario Lopez at Samuel Gaerlan na pawang mga itinalaga sa Supreme Court habang sina Justices Luisa Padilla at Jane Aurora Lantion ay nagretiro na.

Isa naman ang bakanteng associate justice post sa Sandiganbayan, dalawa sa CTA at apat na pwesto sa Legal Education Board.


Itinakda ng JBC mula July 11, 2020 hanggang August 25, 2020 ang pagsusumite ng aplikasyon at documentary requirements sa mga nasabing posisyon.

Maaari namang magsumite ng aplikasyon at requirements ang mga interesado sa Overall Deputy Ombudsman simula June 20, 2020 hanggang August 4, 2020.

Mababakante ang pwesto dahil sa pagtatapos ng termino ni Melchor Arthur Carandang sa October 14, 2020.

Una nang sinibak ng Malacañang si Carandang dahil sa mga kasong betrayal of public trust at katiwalian matapos na ihayag nito sa media na may hawak na bank records ang Ombudsman ukol sa sinasabing nakaw na yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya nito.

Facebook Comments