Muling binuksan ng Manila Civil Registry Office (MCRO) ang aplikasyon para sa pagkuha ng marriage license sa gitna ng pinapairal na General Community Quarantine (GCQ) dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay MCRO Chief Atty. Chris Tenorio, naging katuwang nila ang Manila Health Department (MHD) sa muling pagbubukas ng kanilang opisina.
Nabatid na magsasagawa muna ang MHD ng pre-marriage orientation sa mga nais magpakasal bilang isa sa mga requirements para makakuha ng marriage license mula sa MCRO.
Bilang bahagi naman ng precautionary measures, apat na pares ng magsing-irog ang tatanggapin kada sesyon pero dapat ay nakasuot pa rin sila ng face mask at ipatutupad pa din ang physical distancing.
Ang schedule ng pre-marriage orientation ay mula Lunes hanggang Biyernes, at ang unang sesyon ay alas-otso ng umaga habang ang ikalawang sesyon ay alas-dos ng hapon na gaganapin mismo sa Manila Civil Registry Office.
Para makakuha naman ng appointment, maaaring makipag-ugnayan kay Dra. Criselda Coroza ng Family Planning Section ng MHD kung saan “first come, first serve” ang patakaran.