Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kanilang aaprubahan ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN sa oras na iakyat na ito sa kanila ng Kamara.
Pahayag ito ni Sotto, kasunod ng paglalabas ng National Telecommunications Commission o NTC ng Cease-And-Desist Order laban sa Kapamilya network.
Binigyang diin naman ni Senator Christopher “Bong” Go, na nasa kamay pa ngayon ng House of Representatives ang kapalaran ng napasong prangkisa ng ABS-CBN.
Kaugnay nito ay iginiit ni Go sa mababang kapulungan na madaliin ang pag-aksyon sa nakabinbing aplikasyon ng ABS-CBN para sa franchise renewal.
Paliwanag ni Go, ang pagsasagawa ng Senado ng pagdinig at pagdedesisyon ukol dito ay nakasasalalay sa magiging aksyon ng mababang kapulungan.
Tiniyak naman ni Go na sya ay boboto kaugnay sa franchise renewal ng ABS-CBN base sa idinidikta ng kanyang konsensya at kung ano ang makabubuti sa mamamayang Pilipino.