Application for registration ng United Senior Citizens Party-list, ibinasura ng COMELEC

Hindi isinama ng Comission on Elections (COMELEC) sa mga naiproklamang nanalong partylist groups ang United Senior Citizens.

Ito ay makaraang ibinasura ng komisyon ang kanilang Petition for Registration.

Nabanggit sa 22-pahinang resolusyon na inilabas ng dating Comelec 2nd Division ang ilang kadahilanan sa pagbasura sa petisyon ng nabanggit na partylist group.


Isa sa mga dahilan ay ang kabiguan ng grupo na patunayan na nakasunod sila sa requirement na ang partylist group na nais mapasama sa mga maaring iboto ay dapat ay isang taon o higit pa na na-organisa bago ang paghahain ng petition for registration.

Base sa sinumpaang salaysay ng isa sa mga miyembro ng Board of Trustees ng United Senior Citizens, noon lamang 2020 at hindi 2018 sinimulang iorganisa ang kanilang grupo, bukod sa pineke ang kanyang pirma sa resolusyon ng grupo.

Napatunayan din, base sa dokumento mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Project Management Bureau, ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) ay tumatanggap ng pondo kada taon mula sa kagawaran para sa kanilang meetings, conferences at trainings at ito ay taliwas sa nakasaad sa Resolution No. 9366 na ang isang partylist ay hindi tumatanggap ng pondo mula sa gobyerno.

Inamin ng United Senior Citizens na isa sa kanilang mga miyembrong grupo ang FSCAP.

Nakasaad sa resolusyon na kaya din naibasura ang petisyon ay dahil sa mga hindi makatotohanang salaysay sa bahagi na rin ng nagpetisyon.

Nabatid na nabigo ang United Senior Citizens na kontrahin ang mga nabanggit na ebidensiya at testimoniya.

Facebook Comments