Binatikos at ikinabahala ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), ng mga retiradong heneral sa Department of Education (DepEd) gayundin ang appointment kay dating Defense Secretary Carlito Galvez Jr., bilang Peace Adviser to the President.
Sa tingin ni Castro, malabo na ngayong umusad ang usapang pangkapayapaan dahil pinapakita ng hakbang ni PBBM na hindi naghahangad ang administration ng tunay na kapayapaan na nakabase sa hustisya at pagresolba sa ugat ng armed conflict.
Paliwanag ni Castro, ang pagtatalaga kay Galvez na dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines ay malinaw na indikasyon ng pagsusulong ng gobyerno ng militarisasyon sa burukrasya at sa pagresolba ng mga sigalot sa bansa.
Kinondena rin ni Castro ang pagtatalaga kina Ret. Maj. Gen. Nolasco Mempin at Ret. Brig. Gen. Noel Baluyan bilang mga bagong undersecretary at assistant secretary sa DepEd.
Nakakaalarma ito para kay Castro dahil nagpapakita ng intensyon ng pamahalaan na pairalin ang militarisasyon sa sektor ng edukasyon na dapat ay manatiling ligtas para sa mga bata.
Giit ni Castro, ang mga dapat italaga sa DepEd ay ang mga may kaalaman, karanasan, at kakayahan sa education sector lalo pa at may hinaharap tayong education crisis.