Nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang kanyang appointment bilang officer-in-charge (OIC) ng Department of Health (DOH) ay hindi apektado ng memorandum circular na inilabas ng Office of the President (OP) noong Hulyo.
Sa memorandum circular, nakasaad na ang lahat ng OIC ng mga departamento at ahensya, gayundin ang mga non-Career Executive Official (CES) na sumasakop sa mga posisyon ng CES at mga kontraktwal na empleyado ay maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin hanggang December 31, 2022.
Ayon kay Vergeire, hindi siya apektado ng naturang memorandum dahil siya ay isang career executive official.
Ibig sabihin, ang pagkakatalaga niya sa pwesto ay base sa merito at siya ay mananatili sa pwesto kahit pa magpalit ng administrasyon ang ahensya.
Dagdag pa ni Vergeire, ang memo na inilabas ng OP ay walang nakasaad na deadline o timeline kung kailan siya gaganap bilang OIC.
Partikular na nakasaad aniya rito na mananatili siyang OIC hangga’t wala pang naitatalagang kalihim ng DOH, maliban na lamang kung ang posisyon ay mas maagang babawiin ng pangulo.
Ang DOH ang nag-iisang ahensya ng gobyerno na wala pa ring naitatalagang kalihim mula noong July 2022.