Natanggap na ng Commission on Appointments (CA) ang appointment papers ng bagong talagang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si dating Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr.
Gayunpaman, sinabi ni CA Assistant Minority Leader and Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, dahil naka-recess ang session ng Kongreso ay hindi pa nila matatalakay ang appointment kay Remulla.
Sabi ni Pimentel, November 4 pa magbabalik ang session ng Kongreso kaya mula sa nabanggit na petsa pa maaaring magsagawa ng confirmation hearings ang CA.
Si Jonvic, na kapatid ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, ay nagsimulang manungkulan sa DILG nitong October 8 kapalit ni dating Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na nagbitiw at naghain ng certificate of candidacy para sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.
Samantala, binanggit ni Pimentel na natanggap na rin ng CA ang appointment papers ni Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque ng Department of Trade and Industry (DTI).
Si Roque naman, na siyang nagtatag ng Kamiseta Group of Companies, ay ipinalit kay Alfredo Pascual na nagbitiw at bumalik sa pribadong sektor.