APPOINTMENT SA MGA GOVERNMENT OFFICES SA DAGUPAN CITY, PLANONG GAWING POSIBLE GAMIT ANG KIOSK

Pinaplano ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang paglalagay ng mga kiosk at computer terminals sa ilang tanggapan ng lungsod upang mapadali ang pag-aayos ng appointment at pagproseso ng mga dokumento ng publiko.

Ayon sa lungsod, tinalakay ang naturang plano sa isang pulong kasama ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 1 bilang bahagi ng pagpapalakas ng koordinasyon upang mailapit ang mga serbisyong pampamahalaan sa mga residente.

Layunin ng panukala na mabawasan ang abala at linawin ang proseso ng transaksyon, lalo na sa mga serbisyong nangangailangan ng appointment at kaugnay na dokumentasyon.

Binigyang-diin din na ang hakbang ay bahagi ng pagtugon ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at sa pangangailangang gawing mas episyente ang mga transaksyon sa mga tanggapan.

Sa oras na maipatupad, inaasahang makatutulong ang mga kiosk sa pagpapabilis ng daloy ng serbisyo at sa pagpapabuti ng karanasan ng publiko sa pakikipagtransaksyon sa pamahalaang lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments