Maglulunsad ang Office of the Vice President (OVP) ng isang apprenticeship program para sa 400 out-of-school youth.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakipag-partner ang kanilang tanggapan sa USAID at McDonald’s at iba pang organisasyon para magbigay ng trabaho sa out-of-school youth na may edad 18-anyos hanggang 30.
“Ito, may training muna. Pero iyong training, mayroon siyang matatanggap na allowance, and after noong training, may sigurado siyang mapapasukan as an apprentice,” sabi ni Robredo.
“Magbibigay tayo ng scholarships. Kapag sinabi na scholarships, libre iyong training, libre iyong allowance, pati iyong lahat na kailangan libre,” dagdag ng Bise Presidente.
Magkakaroon sila ng oportunidad na makapagtrabaho sa IT industry o sumali bilang service crew.
Ang programa ay ilulunsad ngayong araw sa Facebook page ni Robredo na ikatlong bahagi ng ‘Bayanihanapbuhay’ initiative ng OVP, kasunod ng Sikap.PH job portal at Iskaparate.com website para sa sellers na nais magbenta ng kanilang produkto online.