Umapela si House Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS Representative Eric Yap sa mga kasamahang kongresista na muling magkaisa sa susunod na linggo para sa pagtalakay ng P4.5 trillion 2021 national budget sa plenaryo.
Ayon kay Yap, mas magiging hamon sa mga mambabatas ang pambansang pondo sa oras na umpisahan na ang debate rito sa plenaryo kaya naman humihingi muli siya ng kooperasyon, pagkakaisa at pagpapamalas ng professionalism sa mga kongresista.
Binigyang-diin pa ng kongresista na ang national budget ay pondo ng taumbayan at obligasyon ng Kamara, hindi lamang na maaprubahan ito sa itinakdang panahon, kundi makatugon din ito sa mga pangangailangan ng mga Pilipino.
Umaasa rin si Yap na hindi made-delay ang budget process anumang isyu ang kakaharapin ng mga kongresista sa mga susunod na araw.
Aniya, makasaysayan at mapanghamon ang pambansang pondo ngayon dahil bukod sa COVID-19 pandemic ay nakaranas din ng ilang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga kongresista na nakatulong naman para i-recalibrate nila ang kanilang focus sa trabaho sa Mababang Kapulungan.