Approval ni PBBM, hinihintay ng PIAHC para tumulak pa-Myanmar

Inihahanda na ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) upang tumulong sa Myanmar matapos ang mapaminsalang magnitude 7.7 na lindol noong March 28, 2025.

Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ang pormal na pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa deployment.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Usec. Ariel Nepomuceno, handa na ang sumusunod na grupo na magsagawa ng humanitarian at rescue operations sa apektadong lugar.


Kabilang dito ang tatlong katao mula sa Office of Civil Defense para sa Communications and Logistics, 10 sundalo mula sa 525th Engineering Combat Battalion ng Philippine Army para sa Urban Search and Rescue Light Teams, 11 sundalo mula sa 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force, 10 kawani ng Bureau of Fire Protection para sa Special Rescue Unit, 10 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority, 14 na Private Sector Volunteers at 32 tauhan ng Department of Health para sa Philippine Emergency Medical Assistance Team.

Bukod dito, tiniyak din ni Nepomuceno na kumpleto na ang mga kinakailangang kagamitan para sa agarang deployment.

Hinihiling naman ng Pilipinas ang suporta ng National Disaster Management Office ng Myanmar upang mapadali ang koordinasyon ng PIAHC kung saan kasalukuyang nakipagtutulungan ang Defense and Armed Forces Attaché at ang Philippine Embassy sa Myanmar upang masigurong maayos at mabilis ang humanitarian mission.

Facebook Comments