Manila, Philippines – Nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.
Sa botong 181 Yes, 5 No habang 2 ang nag-abstain ay ganap na naaprubahan ang panukala sa Kamara.
Palalakasin ng panukala ang kapasidad ng gobyerno sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad.
Sa pagtatag ng DDR, ang bagong kagawaran ang magiging pangunahing ahensiya na responsable sa pangunguna at pangangasiwa sa hakbang ng pamahalaan para sa disaster response, relief, recovery at rehabilitation.
Bubuwagin na dito ang National Disaster Risk Reduction and Management Council at papalitan ng isa ring lupon na mapapasailalim ng DDR.
Umaapila naman si Leyte Representative at House Accounts Chairman Yedda Romualdez sa Senado na bilisan ang pagpapatibay ng counterpart measure nito para agad nang maging batas.