APRUBADO | Dagdag na excise tax sa alak at sigarilyo, pasado sa final reading ng Kamara

Manila, Philippines – Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8677 na nagtataas sa excise tax sa sigarilyo at House Bill 8618 na nagtataas sa excise tax sa mga nakakalasing na inumin.

Sa botong 187 yes, 7 no at 1 abstain ay naipasa ang panukala na nag-aamyenda sa RA 10351 o Sin Tax Reform Law.

Sa oras na maging ganap na batas ang dagdag na excise tax sa sigarilyo, simula July 2019 ay itataas sa P37.50 ang buwis sa kada pakete ng sigarilyo mula sa kasalukuyang P30.


Mula dito, sa kada taon ay tataas na sa 4% ang tax sa sigarilyo o P40 sa 2020, P42.50 sa July 2021 at P45 sa July 2022.

Samantala, sa botong 189 yes at 7 no ay nailusot ang dagdag na excise tax sa alcohol products.

Simula Enero ng 2019, papatawan ng 22% ad valorem tax sa net retail price ang mga alcohol products hiwalay pa dito ang specific tax na P30 per proof liter.

Mula dito ay itataas ang buwis sa alak sa P35 sa 2020, P40 sa 2021 at P45 sa 2022.

Pagsapit naman ng 2023 ay nasa 7% ang itataas na buwis sa alak.

Ang makokolektang kita mula sa tobacco excise tax ay mapupunta sa pagpopondo sa Universal Health Care Act.

Facebook Comments