Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang draft ng federal constitution o charter change.
Sa botong 224 Yes, 22 No at 3 Abstention ay nakapasa ang Resolution of Both Houses 15 na naglalayong palitan ang kasalukuyang 1987 Constitution.
Mananatili sa federalism ang Presidential form ng gobyerno.
Sa ilalim nito magiging apat na taon na ang isang termino ng mga halal na opisyal kabilang ang kongresista, senador, pangalawang pangulo at presidente.
Ang Pangulo ay maaring muling iboto sa ikalawang termino habang aalisin naman ang term-limit ng iba pang opisyal.
Mahigpit namang requirement sa mga tatakbong kongresista, senador, Vice President at President na kailangang college graduate.
Ang running mate naman ng mananalong Pangulo ang otomatikong magiging Bise Presidente.
Gagawin din sa ilalim ng bagong saligang batas na two-party system na lamang sa bansa.
Inalis naman sa inaprubahang panukala ang pagbabawal sa political dynasty.
Ang Kongreso naman ang magpapasya sa pagbuo ng Federal States at hindi naman bababa sa 300 ang magiging kinatawan ng Mababang Kapulungan.